MANILA, Philippines - Napaiyak si dating Philippine National Police Senior Superintendent Cesar Mancao nang makita niya ang dating mga pulis na kasama niya sa buwag nang Presidential Anti-Organized Crime Task Force sa pagpapatuloy ng pagdinig sa kasong pagpaslang sa publicist na si Salvador Dacer at driver nitong si Emmanuel Corbito.
Kitang-kita ang pamumugto at pamumula ng mata ni Mancao nang lumabas siya sa sala ni Manila Regional Trial Court Judge Myra Garcia-Fernandez branch 18.
Ayon kay Atty. Alex Avisado, tagapagsalita ni Senador Panfilo Lacson na kabilang sa isinasangkot sa kaso, tila nakunsensiya si Mancao nang muling makita at mayakap ang kanyang mga dating kasamahang pulis na ngayon ay nakapiit sa Manila City Jail at umano’y kanyang ipinagkanulo sa kaso.
Iginiit ni Avisado na hindi naman nila masisisi si Mancao sa kanyang ginawang affidavit dahil kailangan din nitong isalba o iligtas ang kanyang sarili at kanyang pamilya mula sa pamahalaan. Aniya, ang desisyon ni Mancao ay dulot ng pressure at bribery.
Subalit inamin umano ni Mancao na may access siya sa Malakanyang noong siya pa ang hepe ng PAOCTF-Luzon dahil direkta siyang nagrere port kay dating Pangulong Joseph Estrada. (Doris Franche)