Multinational drug firms kasuhan - Roxas
MANILA, Philippines - Umapela kahapon si Sen. Mar Roxas sa pamahalaan ng Amerika na kasuhan ang mga multinational drug companies, partikular na ang Pfizer, Inc. dahil sa umano’y tangkang panunuhol sa gobyerno ng Pilipinas upang hadlangan ang Cheaper Medicine Law.
Ipinaabot ni Roxas ang apela sa US Department of Justice sa pamamagitan ng sulat na ipinadala kay US Ambassador Kristie Ken ney. Tinuligsa ni Roxas ang Pfizer sa ginawa nitong pag-puwersa sa Malacañang na makipag-pulong sa industriya ng gamot para pag-usapan kung paanong mapipigil ang Cheaper Medicines Law.
Ani Roxas, dapat managot ang mga nagsabwatang multinational drug firms kasama ang Pfizer sa paglabag sa US Foreign Corrupt Practices Act dahil gumamit ito ng limang milyong Sulit Card bilang suhol umano kay Pangulong Arroyo para huwag lagdaan ang isang executive order na nag-uutos sa mga kumpanya ng gamot na bawasan ng kalahati ang presyo ng mga gamot na ibinebenta nila.
Si Roxas ay chairman ng Senate Committee on Trade and Commerce. Aniya, kinakalap na ng Senado ang mga ebidensya laban sa Pfizer at mga kasabwat na multinational drug companies na maaaring gamitin ng mga awtoridad ng Pilipinas para kasuhan ang Pfizer sa US ng paglabag sa anti-bribery provisions ng Foreign Corrupt Practices Act.
Binigyang diin ni Ro xas na kung hindi kikilos laban sa Pfizer sa US, siya mismo ang mag-aasikaso sa asunto para panagutin ang kompanya. Si Roxas ang main author ng Universally Accessible, Cheaper and Quality Medicines Act.
Aniya “walang karapatang magpatuloy na magnegosyo dito sa atin ang sinumang kumpanya na gumagamit ng panunuhol at iba pang manipulasyon.”
- Latest
- Trending