MANILA, Philippines - Apat katao ang iniulat na nasawi habang isa pa ang nawawala sanhi ng mga pagbaha na dulot ng paghagupit ng bagyong Isang, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ang mga biktima na sina Joemar Ligar, 13 anyos ng Caloocan City; Lomer Fernando, 32 ng Batac, Ilocos Norte, isang 9-na-buwang gulang na sanggol sa La Paz, Iloilo at Arnold Julian, 9, ng San Mateo, Rizal.
Sa report kahapon ng tanggapan ni National Disaster Coordinating Council (NDCC) Executive Director Glenn Rabonza, si Ligar ay nasawi sa pagkalunod sa pag-apaw ng tubig baha sa Tullahan River habang nakuryente naman si Fernando.
Nalunod din ang 9-buwang-gulang na sanggol matapos mahulog sa higaan at anurin ng tubig-baha sa loob ng kanilang bahay samantala nahulog naman sa kanal si Julian at natagpuan ang bangkay nito sa Marikina.
Nawawala naman si Jonathan Hormeneta, 22 na tinangay ng malakas na agos ng tubig baha habang tumatawid sa tulay sa Imus, Cavite.
Sa tala ng NDCC, aabot sa 25, 555 pamilya o kabuuang 94, 856 indibidwal ang naapektuhan ng bagyong Isang sa Ilocos Region, Southern Luzon at Metro Manila.
Nawasak rin ang limang kabahayan at bahagyang napinsala ang tatlong iba pa sa landslide sa Brgy. Buntong Palay, San Mateo, Rizal.
Ang malalakas na pag-ulan na nagdulot partikular na ng mga pagbaha ay nagbunsod sa pagkakabuhol-buhol ng daloy ng trapiko sa hilagang Metro Manila, Mountain Province, Baguio, Cagayan, La Union at Pangasinan.
Inaasahan naman, ayon sa weather bulletin ng Pagasa, bagamat wala na sa bansa si Isang ay makakaranas pa rin ng patuloy na mga pag-ulan ang Metro Manila at maraming bahagi ng Luzon hanggang ngayong araw bunga ng southwest monsoon.