Dayaan sa 2010 polls posible pa rin
MANILA, Philippines - Posible pa rin umanong magkaroon ng “tampering of votes” sa May 10, 2010 elections kahit pa computerized na ang isasagawang halalan.
Bunsod nito kaya hinikayat ng Commission on Elections ang mga botante sa bansa na bantayan ang kanilang mga boto upang matiyak na walang dayaang magaganap.
Ayon kay Comelec spokesman James Jimenez, posibleng maganap ang pag-tamper sa mga boto sa pagpapasok ng mga balota sa polling machines o bago pa man isagawa ang computerized counting.
Aniya, posibleng “matuk so” ng kampo ng mga pulitikong nais makapandaya ang mga tiwaling Board of Election Inspectors (BEIs) para sagutan na ang mga balota, bago pa man ibigay sa mga botante.
Sa ganitong paraan aniya maaring maisagawa ang tampering, lalo na kung hindi mapapansin ng mga botante na ang balotang ibinigay sa kanila ay mayroon nang shades ang ilang bahagi.
Pinayuhan ni Jimenez ang mga botante na tiyaking blangko o “unshaded” pa ang mga balota na kanilang gagamitin sa pagboto.
Tiniyak rin nito na hindi tatanggapin at bibilangin ng mga polling machines ang mga pekeng balota. (Mer Layson)
- Latest
- Trending