Unstoppable!
MANILA, Philippines – Tuloy-tuloy at hindi na mapipigilan ang paglaganap ng AH1N1virus o mas kilala bilang swine flu sa buong mundo!
Ayon sa pag-aaral ng World Health Organization, kinatatakutang mas tumapang at lumala ang naturang virus partikular na sa bahagi ng Europa kung saan sa bansang Britanya ay tinatayang aabot sa 100,000 kaso ng swine flu araw-araw pagsapit ng buwan ng Agosto dahil panahon na rin dito ng tag-lamig.
Nakita din sa pag-aaral ng WHO na ilang kaso ng swine flu sa mga bansang Hongkong, Denmark at Japan ang hindi na tinatablan ng gamot na Tamiflu kaya malaki ang pangamba ng una na mas lumalakas pa ang virus sa pagdaan ng panahon.
Kinakikitaan na rin ng senyales na posibleng muling magkaroon ng outbreak sa bansang Mexico na siyang unang pinagmulan ng virus, dahil sa ilang bahagi nito ay dumoble pa ang dating bilang ng kaso ng swine flu.
Ipinaliwanag ng WHO na isang dahilan kung bakit hindi mapatay o makontrol ang virus ng swine flu ay dahil na rin sa nagkakaubusan ng vaccine na lalaban dito.
Sa record ng WHO, umaabot na sa 332 katao ang namamatay sa swine flu sa buong mundo habang 77,000 katao naman ang kumpirmadong may taglay nito .
Sa Pilipinas, tatlo katao na ang namatay sa naturang sakit bunsod na rin ng komplikasyon sa dating karamdaman. Ang tatlo ay kinabibilangan ng 50-anyos na kawani ng Kongreso, 74-anyos na lalaki at 19-anyos na dalaga.
- Latest
- Trending