'Drug firm nanuhol' - Enrile
MANILA, Philippines – Inalok umano ng kumpanya ng gamot na Pfizer ang pamahalaan ng limang milyong discount sulit cards na nagkakahalaga ng P100 milyon para masagkaan ang pagpapatupad ng Cheaper Medicine Law.
Ito ang ibinunyag kahapon ni Senate President Juan Ponce Enrile na nagsabi pa na maituturing na panunuhol ang ginawa ng naturang kumpanya kahit kanino pa ito inialok.
Pinabulaanan naman ni Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines Executive Director Reinir Gloor na suhol ang diskuwentong inialok sa Department of Health bagaman tinanggihan ito ni DOH Secretary Francisco Du que.
Kinuwestiyon ni Enrile kung bakit sa limang milyong katao lang iniaalok ang discount card at hindi sa lahat ng mamamayan. Dapat anyang ibinaba na lang ang presyo ng mga gamot.
Nilinaw pa ni Gloor na ginawa ng Pfizer ang alok sa DOH bago pa man ipinalabas noong nakaraang buwan ang listahan ng maximum retail price.
Katulad ng inaasahan, inisnab kahapon ni Pangulong Gloria Arroyo at ng iba pang opisyal ng Malacañang ang pagdinig ng Senate Oversight Committee on Quality Affordable Medicines na pinamumunuan ni Senator Mar Roxas at Rep. Antonio Alvarez
Isang sulat ang ipinadala ni Executive Secretary Eduardo Ermita na nagsasabing wala na silang sapat na oras para dumalo sa pagdinig dahil natanggap nila ang imbitasyon noon lamang nakaraang Biyernes.
Pero ayon kay Roxas, natanggap ng Office of the President ang imbitasyon noong Huwebes o Hulyo 9.
Kinumpirma ni Gloor na nakausap nila ang Pangulo sa Malacañang noong Hulyo 8 pero wala umanong nangyaring sabwatan katulad nang mga naunang akusasyon sa kanila.
Binigyan lang sila ng Pangulo ng 10 araw para maibaba nang 50 porsiyento ang presyo ng mga gamot. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending