MANILA, Philippines – Inutos kahapon ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Victor Ibrado na magsagawa na ng pangkalahatang opensiba laban sa mga bandidong Abu Sayyaf makaraang palayain ng mga ito ang bihag na Italian na si Eugenio Vagni.
Ginawa ni Ibrado ang utos kasunod ng direktiba ni Department of National Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa tropa ng militar na dakpin nang buhay ang mga bandidong bumihag sa naturang Italyano mula noong Enero.
Tinagubilinan ni Teodoro si Ibrado na ibuhos ang buong makinarya ng AFP para malipol ang nalalabi pang mga bandidong Abu Sayyaf sa Sulu at Basilan.
Kabilang sa mga lider na target ng militar ang mga lider ng Abu Sayyaf na sina Commander Albader Parad, Abu Jumdail alyas Doc Abu Pula at Isnilon Hapilon. Sa Basilan ay sina Commander Furuji Indama, Nurhassan Jamiri at iba pa.
Sinabi ni Teodoro na hangga’t maari ay buhay na dakpin ang mga lider ng Abu Sayyaf upang maiharap sa paglilitis ng batas at mabigyang hustisya ang mga biktima.
Nilinaw naman ng kalihim na, kung ayaw pahuli nang buhay ang lider ng mga bandido, alam na ng mga sundalo ang kanilang gagawin.
Pinalaya ng mga bandido si Vagni sa Asibih Lagasan, Maimbung, Sulu noong Linggo.
Sinabi ni Teodoro na palalakasin rin ng tropa ng militar katuwang ang puwersa ng pulisya ang Barangay Defense system upang mapabilis ang pagdurog sa mga bandido at huwag nang maulit muli ang kidnapping laban sa mga inosenteng biktima.