Roxas sinisi sa mahal na gamot
MANILA, Philippines - Sinabi kahapon ni Iloilo Congressman Ferjenel Biron na si Senador Manuel Roxas II ang dapat sisihin sa mataas na presyo ng mga gamot sa bansa dahil ang huli ang nagpabasura sa automatic price regulation ng Universally Accessible, Cheaper and Quality Medicine Act o Republic Act 9502.
Sinabi ni Brion na dapat sisihin ni Roxas ang sarili nito sa pagkabigo ng naturang batas at hindi si Pangulong Gloria Arroyo dahil ipinatanggal ng naturang senador ang probisyon sa automatic price regulation na magtitiyak sa murang halaga ng gamot.
Nabatid na ipinanukala ng mga kongresista ang nasabing probisyon pero ipinatanggal umano ito ng mga senador na kinabibilangan ni Roxas na naggiit na ibigay na lang ito sa kapangyarihan ng Pangulo sa pamamagitan ng rekomendasyon ng Department of Health.
Sinabi naman ni Manila Rep. Bienvenido Abante na pamumulitika lang ang akusasyon ni Roxas na nakikipagsabwatan ang Pangulo sa mga kumpanya ng gamot. Idiniin ni Abante na kasama siya nang makipagpulong ang Pangulo sa mga kinatawan ng mga naturang kumpanya para bigyan ang mga ito ng 10 araw para ibaba ang presyo ng mga gamot. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending