MANILA, Philippines - Matapos ang halos anim na buwan sa kamay ng Abu Sayyaf Group (ASG) ay pinalaya na kahapon ang bihag na si Italian Red Cross worker Eugenio Vagni sa Maimbung, Sulu.
Sa ulat ni Navy spokesman Lt. Col. Edgardo Arevalo, si Vagni, 62, ay inabandona ng kanyang mga abductors sa may bisinidad ng Lagasan Asibin at kinuha na lang ng tropa ng pamahalaan sa nasabing lugar bandang 12:45 ng madaling araw.
Itinanggi naman ni military spokeman chief Lt. Col. Romeo Brawner Jr. na nagkaroon ng ransom money sa pagpapalaya kay Vagni sa pagsasabing naging instrumento ng paglaya ng ICRC worker ay ang walang humpay na military operation ng pamahalaan.
Sinasabing nangayayat ng husto si Vagni ngunit nasa maayos na kondisyon naman ang katawan nito.
Sa paglaya ni Vagni, agad itong dinala sa headquarters ng 3rd Marine Brigade sa Jolo kung saan sumailalim agad ito sa medical check-up.
Alas-11 na ng umaga nang makarating si Vagni sa Villamor Air Base saka idiniretso sa Italian Embassy sa Makati city.
Mula Pilipinas ay agad na ililipad si Vagni pabalik sa Italy.
Samantala, sa naging panayam kay Vagni, hiniling nito na makita agad ang kanyang pamilya, asawa at anak.
Ayon kay Vagni, tinrato naman umano siya ng maayos ng Abu Sayyaf na kung tawagin niya ay Apo.
Sinabi pa ni Vagni na marami siyang natutunan habang nasa kamay ng mga rebelde at wala umano siyang anumang nararamdamang sama ng loob sa ASG na dumukot sa kanya at maging sa mga Filipino.
Nagpasalamat si Vagni sa lahat ng mga taong tumulong lalo na ang militar at gobyerno upang siya ay mapalaya sa kamay ng ASG.
Bago umalis ng Zamboanga city, kumain muna si Vagni ng noodles at ice cream.
Si Vagni ang pinakahuli sa tatlong ICRC workers na pinalaya ng nasabing bandido matapos dukutin noong Enero 15, 2009 sa bayan ng Patikul, Sulu kasama sina Pinay engineer Mary Jean Lacaba at Swiss Andreas Notter na naunang pinalaya noong April 2 at April 18. (Dagdag ulat nina Ellen Fernando/Doris Franche at Mer Layson)