Presyo ng pandesal tataas

MANILA, Philippines – Inaasahang tataas uli ang presyo ng pandesal da­ hil na rin sa nakaambang P20 dagdag sa presyo ng harina na ipapataw ng Philippine Association of Flour Millers sa susunod na buwan.

Ayon kay PAFM Executive Director Ric Pinca, mapipilitan silang itaas ang presyo ng harina dahil na rin sa tatlong porsiyentong taripa ng Bureau of Customs sa bawat sako ng iniaangkat nilang trigo.

Malaki din ang ipinagta­taka ni Pinca kung bakit ki­na­kailangan silang pag­ba­yarin ng BoC ng 3% buwis sa trigo dahil hindi pa napapaso ang Executive Order 764 ni Pangulong Gloria Arroyo na nagbaba­sura sa paniningil ng taripa, lalo pa at wala pa naman usapan ang Malacañang at ang ahensiya para sa mu­ling paniningil ng naturang buwis.

Aniya, ang 3% taripa na sinisingil ng BoC ay katum­bas ng P20 kada sako ng harina na mapipilitang ipasa sa mga panadero.

Tiniyak naman ng Philippine Bakers Association na mananatili pa rin ang kasalukuyang presyo ng pandesal hanggang sa katapusan ng Hulyo kahit pa tumaas ang presyo ng LPG na gamit din sa pagluluto ng tinapay.

Sinabi naman ni PBA Vice President Chito Cha­vez, ayaw nilang magtaas ng presyo ng tinapay sa pangambang mabawasan ang tatangkilik sa kanilang negosyo ngunit kung itutu­loy ito ng PAFM ay malulugi sila at tiyak na itataas ang presyo ng tinapay. (Lordeth Bonilla)


Show comments