MANILA, Philippines – Babawasan ng Commission on Elections ng halos kalahati ang bilang ng mga guro na maninilbihan bilang mga miyembro ng board of election inspectors (BEIs) sa taong 2010.
Mula sa dating 750,000 mga guro na nagseserbisyo tuwing panahon ng elek syon, mangangailangan na lamang ang poll body ng 400,000 guro sa automated election, kaya hindi na obligado pang magsilbi sa halalan ang 350,000 sa mga ito.
Ayon kay Comelec Chairman Jose Melo, ang pagbabawas ng mga guro na magsisilbi sa halalan ay resulta nang isasagawa nilang clustering of precincts na bahagi naman ng automation project ng poll body.
Sa pamamagitan ng clustering of precincts, ang dating 250,000 presinto na ginamit noong 2007 elections ay babawasan at gagawin na lamang 80,000 presinto sa 2010.
Bawat isang polling precinct naman ay magkakaroon ng 1,000 botante na kayang-kaya naman umanong i-accommodate ng isang precinct count optical scan (PCOS) na gagamitin para sa pag-computerize ng halalan.
Ang resulta ng botohan ay ita-transmit na sa Comelec electronically kaya’t hindi na kinakailangan pang ibiyahe ng mga guro ang mga ballot boxes na kalimitang naglalagay sa mga buhay ng mga ito sa alanganin. (Mer Layson)