6 patay, 56 sugatan: Sulu, Iligan binomba!
MANILA, Philippines – Anim katao ang nasawi habang nasa 56 pa ang nasugatan sa magkasunod na pambobomba sa harapan ng isang simbahang Katoliko sa Jolo, Sulu at sa pier ng Iligan City sa Lanao del Norte kahapon ng umaga.
Naitala ang insidente dakong alas-7:50 ng umaga sa bisinidad ng Mount Carmel Catholic Church sa Sanchez St., Jolo Proper matapos ang isang misa sa simbahan.
Ang bomba ay inilagay sa isang nakaparadang motorsiklo may 100 metro ang layo sa nasabing simbahan na yumanig rin sa Gotoling Hardware sa lugar.
Kabilang sa mga nasawi sina Vicky Sia, 60 anyos, Hamsirani Hamsi at iba pa habang sa mga nasugatan ay kabilang ang tatlong pulis na tinukoy lamang sa mga apelyidong PO2 Ajibon, PO2 Sabdani at SPO1 Appang.
Apat pa sa mga biktima ang binawian ng buhay habang isinusugod at nilalapatan ng lunas sa Sulu Provincial Hospital.
Aabot naman sa 40 katao ang naitalang sugatan na patuloy na nilalapatan ng lunas sa pagamutan.
Sinabi ni Joint Task Force Comet Commander Major Gen. Juancho Sabban na may signature ng mga bandidong Abu Sayyaf ang sumabog na bomba na ginamitan ng 81MM mortar.
Isa namang hindi pa sumasabog na bomba ang narekober ng nagrespondeng Scene of the Crime Operatives team na nakalagay sa isang karton sa bisinidad rin ng nasabing simbahan.
Samantala, 11 naman ang sugatan sa Iligan City.
Ayon kay Col. Benito de Leon, commander ng 104th Brigade ng Philippine Army, naganap ang pambobomba dakong alas-10:30 ng umaga sa bisinidad ng Exquisite Pawnshop sa Sabayle St. malapit sa pier.
Kabilang sa sugatan ang tatlong sundalo at walong sibilyan na isinugod na sa Dr. Uy Hospital para malapatan ng lunas.
Batay sa imbestigasyon, ang Improvised Explosive Device (IED) ay itinanim sa isang nakaparadang mini cruiser ng military na sumabog may 300 metro ang layo mula sa pier.
Nitong Lunes, dalawang pagsabog rin ang yumanig sa tower ng National Transmission Corp sa Upper Paiton sa bayan ng Kauswagan, Lanao del Norte.
Sa nasabing insidente ay nawasak ang istraktura at nawalan kuryente sa Abaga-Aurora.
PNP, AFP naka-full alert
Dahil sa mga pambobombang ito, itinaas na kahapon sa full alert status ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines ang puwersa nito sa Mindanao.
Inatasan na rn ni Social Welfare and Development Secretary Esperanza Cabral si DSWD Region 12 Director Bai Zorahayda Taha na tulungan ang mga biktima ng pagsabog ng bomba sa Cotabato City.
Nanawagan naman ang Catholic Bishops Conference of the Philippines sa mga nagsasagawa ng mga pagsabog na tigilan na ang mga karahasan dahil maraming inosenteng sibilyan ang nadadamay.
Ayon kay CBCP President at Jaro Archbishop Angel Lagdameo, maaari naman umanong dalhin ang kanilang hinaing o reklamo sa tamang lugar at pag-uusap.
Samantala, itinaas na ng pamunuan ng Light Rail Transit Authority at Metro Rail Transit Authority ang kanilang “security alert” kasunod ng mga sunud-sunod na pambobomba sa Mindanao at mga naranasang bomb threats sa Metro Manila kamakailan.
Sinabi ni ret. Col. Alejo Andayan, hepe ng LRT Safety and Security Division, na nagdagdag na ng tauhan ang PNP at mga bomb sniffing dogs matapos ang sunud-sunod na pambobomba at alingasngas ng destabilisasyon sa pamahalaan.
- Latest
- Trending