MANILA, Philippines – Tuloy ang pagbibigay ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ng kanyang State of the Nation Address kasabay ng pagbabalik ng regular na sesyon ng Kongreso sa Hulyo 27.
Ito ang inihayag kahapon ni House of Representatives Speaker Prospero Nograles kasunod ng mga naglabasang mungkahing ipagpaliban o gawin sa ibang lugar ang SONA makaraang matuklasang dalawang empleyado ng mababang kapulungan ang nahawahan ng influenza AH1N1. Isa sa mga ito ay namatay sa sakit sa puso bagaman positibo rin sa naturang virus habang ang pangalawa ay gumaling.
Normal ang trabaho kahapon ng mga empleyado ng Kongreso pag katapos ng isang linggong pagsasara ng mababang kapulungan dahil sa ulat na dalawang kasamahan nila ang merong AH1N1.
Gayunman, ang bawat taong pumapasok sa Batasan building ay idinadaan sa thermal scanner. (Butch Quejada)