MANILA, Philippines - Tiniyak ni Manila Vice Mayor Francisco Moreno na makakarating sa bawat ordinaryo at maliliit na Manilenyo ang bawat tulong na kanilang ibibigay kasabay ng paglulunsad ng organisasyong Asenso Manileño na naglalayong mabigay ang serbisyo at mga pangangailangan ng mga residente ng Maynila.
Ang nasabing paglulunsad ay dinaluhan nina dating Manila Vice Mayor Danilo Lacuna bilang Chairman ng Asenso Manileño Movement, 5th District Congressman Amado Bagatsing bilang vice chairman at dating five-term 3rd District Councilor Bernardito Ang bilang chairpersons, habang si Moreno ang itinalaga bilang kauna-unahang pangulo nito.
Ayon kay Moreno, layunin ng organisasyon na mabigay ng mabilis at maayos ang mga serbisyong kailangan ng mga Manilenyo na makakaahon din ng kanilang pamumuhay.
Giniit ni Moreno na mas dapat na bigyan ng pansin ang edukasyon at kalusugan dahil ito ang puhunan ng bawat isa upang makuha ang tunay na tagumpay at kaginhawaan sa buhay.
Muli nitong binigyan-diin na ang kahirapan ay hindi hadlang sa tagumpay kung ang lahat ay magtutulungan. (Doris Franche)