Arraignment ni Mancao tuloy sa Martes

MANILA, Philippines - Tuloy na sa Martes ang arraignment ni dating Sr. Superintendent Cezar Mancao kaugnay sa Dacer-Corbito double murder case.

Si Mancao ay kabilang sa mga akusado sa kaso at mananatiling akusado hanggang hindi nade­desisyunan ng korte ang pagkonsidera sa kanya ng Department of Justice (DOJ) bilang state witness sa kaso.

Itinakda dakong alas-2 ng hapon ang pagbasa ng demanda kay Mancao.

Inaasahan din na tatalakayin ni Manila Regional Trial Court Branch 18 Judge Myra Fernandez-Garcia ang mosyon hinggil sa naunang isinampa ng abogado ng ibang akusado na humihiling na mailipat si Mancao sa Manila City Jail.

Nauna nang iginiit ni Atty. Dante David, abogado nina SPO4 Marino Soberano, SPO3 Jose Escalante at SPO3 Mauro Torres, tatlo sa 21 na akusado na umano’y mga responsable sa pagdukot at pagpatay kina Dacer at Corbito, na mailipat sa MCJ si Mancao at tratuhin bilang isang ordinaryong bilanggo.

Ito ay matapos mabatid na si Mancao ay nakadetine sa isang mala-hotel na kulungan sa National Bureau of Investigation. (Doris Franche)

Show comments