Natalong bidder binira

MANILA, Philippines – Nananawagan ang pri­badong Jeverps Corp. sa mga awtoridad na pigilin ang umano’y maru­ming taktika ng isa pang priba­dong kumpanyang Ko­lonwel Trading sa mga ka­kumpetensya nito sa ne­gosyo lalo na sa mga bidding sa mga proyekto ng pamahalaan.

Sinabi ng tagapagsalita ng Jeverps na si Chito Dimaculangan na ugali na ng Kolonwel na siraan ang mga kumpanyang tuma­talo rito sa mga bidding.

Ginawa ni Dimacu­la­ngan ang pahayag bilang reaksyon sa kasong graft na isinampa ng Kolonwel sa Ombudsman laban sa Jeverps na isinangkot ng una sa noodles scam. 

Inihalimbawa ni Dima­cu­langan na, noong 2007, humingi at nakakuha ng permanent injunction sa Manila Regional Trial Court ang Kolonwel nang matalo ito sa bidding para sa 17.5 milyong kopya ng Maka­bayan textbook at teachers manual. 

Bukod dito, isinagawa pa umano ng Kolonwel ang black propaganda laban sa Vibal Publishing na nanalong bidder.

Pero inalis ng Supreme Court ang injunction at kinastigo ang Kolonwel dahil sa kabiguan nitong sundin ang bidding process.

Noong 2004, sinalihan ng Kolonwel sa pamama­gitan ng sister company nitong Joodar Cottage Industry ang bidding para sa combat boots ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines. Nang matalo ang Kolonwel, nag­pakalat umano ito ng pani­nira laban sa nanalong bidder. Isinantabi ng AFP ang reklamo at ipinagpa­tuloy ang proyekto. (BQuejada)


Show comments