7 na patay kay Feria, 8 missing

MANILA, Philippines – Lumobo na sa 7 katao ang nasawi, walo ang nawa­wala at lima ang nasugatan sa pagbayo ng bagyong Feria sa mga apektadong lugar sa bansa.

Sa ulat ng National Disaster Coordinating Council (NDCC), naidagdag sa death toll ang dalawa pang na­sawi sa landslide sa Cagayan de Oro City.

Kinilala ni NDCC Executive Director Glenn Rabonza ang mga itong sina Edgar Salida at isang Renico, kapwa 43 anyos.

Una nang naitala ang pagkasawi ng mangingisdang si Vicente Lagaye sa Cebu at apat pa mula naman sa bangkang hinagupit ng buhawi sa bayan ng Perez, Quezon kabilang ang boat captain na si Roberto Longanza.

Kabilang naman sa walong nawawala ay isang apat na taong gulang na bata na tinangay ng agos sa Romblon, dalawa sa Sorsogon, dalawa sa Aklan at tatlo pa sa Eastern Samar.

Lima rin ang nasugatan kabilang ang dalawa sa Southern Leyte, isang tinamaan ng nabuwal na punong kahoy sa Cebu at dalawa pa sa Quezon.

Umabot naman sa 11,463 pamilya o katumbas ang 53, 897 katao ang apektado ng kalamidad.

Naitala naman sa inisyal na P2.5 milyon ang halaga ng pinsala sa imprastraktura habang P300,000 sa agrikultura sa lalalawigan pa lamang ng Samar na inaasahang tataas pa.

Sa kasalukuyan dumaranas pa rin ng kawalan ng kuryente ang Brgy. Del Pilar sa San Pascual, Batangas umpisa pa noong Hunyo 23 at naibalik naman ang supply ng kuryente sa Bauan, Batangas dakong alas 5:40 ng hapon kamakalawa.

Pinutol naman ang ilang serbisyo ng Romblon Electric Cooperative sa lugar na apektado ng mga pagbaha ulang maiwasan ang disgrasya sa ilang lugar sa lalawigan. (Joy Cantos)


Show comments