MANILA, Philippines - Dahil sa patuloy na kanselasyon ng klase ng maraming paaralan dulot ng Influenza AH1N1 virus, pinaplano ngayon ng Department of Education (DepEd) na pahabain ang school calendar upang mapunan ang mga mababakanteng araw ng pag-aaral.
Sinabi ni DepEd communications officer, Kenneth Tirado na isa ito sa mga hakbang na maaaring ipatupad ng puno ng paaralan na magkakaroon ng mahabang panahon ng kanselasyon ng klase. Binibigyan umano ng kapangyarihan ng DepEd ang mga punong guro, at district heads na gumawa ng solusyon upang hindi maapektuhan ang pag-aaral ng mga estudyante
Maaari ring ipatupad ng mga paaralan ang kanselasyon ng “semestral break” o mas kilala sa tawag na “Christmas vacations” sa Disyembre at pagpapatupad ng klase tuwing Sabado.
Bukod sa kanselasyon ng klase dahil sa swine flu, inaasahan rin na maraming paaralan ang magsususpinde ng maraming araw ng klase dulot naman ng mga bagyo na papasok sa Pilipinas.
Wala pa namang desisyon ang DepEd sa panukala ni Senador Richard Gordon na sabay-sabay na suspindehin ang klase sa lahat ng paaralan sa buong bansa at sabay-sabay na magpahinga sa kanilang mga bahay ang mga mag-aaral upang maapula ang takot na magkahawahan sa mga paaralan.
Una nang iginigiit ni DepEd Secretary Jesli Lapus na mas makakabuti na papasukin ang mga mag-aaral dahil sa hindi lang naman sa paaralan nakukuha ang naturang sakit ngunit maging sa mga komunidad. Paulit-ulit na pinapaalala ng kagawaran na ang solusyon upang hindi mahawa ay ang malinis at malakas na katawan. (Danilo Garcia)