MANILA, Philippines – Ipinasara kahapon ni House Speaker Prospero Nograles ang buong Batasan building sa Quezon City makaraang makumpirmang empleyada nito ang 49 anyos na babaeng nahawahan ng influenza AH1N1 virus at namatay sa sakit sa puso kamakailan.
Pinabakunahan na rin muna kahapon bago pinauwi ang mahigit 3,000 empleyado ng Kongreso makaraang suspindihin ni Nograles ang kanilang trabaho.
Ginawa ni Nograles ang hakbang para maisagawa ang kaukulang paglilinis sa buong gusali ng Batasan.
Sinabi rin ni House Deputy Secretary General Ricardo Roque sa isang panayam na gagawa sila ng mga kinakailangang hakbang na pangkaligtasan bago pa sumapit ang araw ng State of the Nation Address ni Pangulong Gloria Arroyo sa Hulyo 27.
Sinabi rin ni Roque na, bukod sa namatay na babae, merong isa pang empleyado sa House na nagkasakit ng AH1N1 pero nagpapagaling na ito sa bahay.
Ang nasawi na nagmula sa Kalinga-Apayao ay pumasok pa sa trabaho noong Hunyo 10-16 kahit hindi na maganda ang nararamdaman.
Ayon naman kay Arthur Pingoy, tagapangulo ng health committee ng House, ang babae na namatay noong Lunes dahil sa atake sa puso ay nakatalaga sa ikatlong palapag ng Ramon Mitra building sa Batasan complex.
Ipinahiwatig sa ulat na meron pang ibang sakit ang pasyente pero nagpalubha sa kanyang kalagayan ang AH1N1 at tumanggi siyang magpatingin sa duktor.