74 bangkay sa 'Princess' huhukayin

MANILA, Philippines - Sinabi kahapon ni Public Attorney’s Office Chief Persida Acosta na ipahu­hu­kay ng PAO at ng mga independent forensic group mula sa University of the Philippines ang bangkay ng mga hindi pa nakikilalang biktima na nasawi sa pag­lubog ng MV Princess of Stars sa may karagatan ng Sibuyan Island sa may Romblon noong Hunyo 21, 2008.

Sinabi ni Acosta na hihi­lingin nila sa korte ang pa­hintulot sa paghuhukay sa mga bangkay makaraang makiusap sa kanila ang mga kamag-anak ng mga biktima.

Mariing tinututulan ng gru­pong Justice for MV Princess of the Stars tragedy ang paglilibing ng National Bureau of Investigation sa Cebu sa may 74 na bang­ kay ng hindi pa nakiki­lalang mga nasawing bik­tima.

Ayon sa grupo nabigla na lamang sila nang ililibing na ang mga labi na naka­la­gak sa Cosmopolitan Fune­ral sa Cebu nang walang pa­hintulot sa mga kaanak nito.

Marami pa umanong mga kamag-anak mula sa Mindanao at Cebu na hindi pa nakukuha ang kanilang mga kamag-anak na bik­tima ng paglubog ng natu­rang barko.

Sinabi rin ng forensic expert na si Dr. Benito Mo­lino na paglabag sa kara­patang pantao ang pagli­bing sa mga natitirang hindi pa nakikilalang biktima.

Samantala, sinampa­han na ng Department of Justice ng kasong kriminal sa korte ang may-ari at kapitan ng M/V Princess of the Stars.

Kinasuhan ng reckless imprudence resulting to multiple homicide, damage to property at serious physical injuries sa Manila Regional Trial Court sina Sul­picio Lines first Vice-President Edgar Go at ang ka­pitan ng barko na si Capt. Florencio Marimon. (Gemma Amargo -Garcia at Angie dela Cruz)

Show comments