Pinas delikadong lugar sa kalamidad

MANILA, Philippines – Kung pagtama ng natural calamity o kalamidad ang pag-uusapan, nasa ika-12 puwesto ang Pilipi­nas bilang pinaka-delika­dong lugar sa mundo.

Ayon sa Mortality Risk Index na ipinalabas ng UN International Strategy for Disaster Risk Reduction (UNISDR), ang Pilipinas ang no. 12 sa 200 bansa at teritoryo na nanga­nganib sa natural disasters ang mga mamamayan.

Ang Bangladesh, China, Colombia, India at Indonesia ang top five sa “unsafe places”, base sa index na bahagi rin ng Global Assessment Report on Disaster Risk Reduction.

Kaugnay nito, sinabi ni Sen. Loren Legarda na maiiwasan na malagay sa panganib ang buhay ng mga mamamayan sa Pili­pinas kung magkakaroon ng relokasyon ang mga mamamayan na nakatira sa mga tinatawag na danger zones katulad ng mga landslide-prone areas.

Posible umanong ma­ging no.1 ang Pilipinas kung disaster ang pag-uusapan kung hindi kikilos ang gobyerno at maghihigpit sa pagtatayo ng mga buildings, eskuwelahan, at os­pital sa mga delikadong lugar.

Ang masamang epekto umano ng mga natural na kalamidad ay mas titindi pa dahil sa climate change. (Malou Escudero)


Show comments