MANILA, Philippines – Dalawa pang paaralan sa Metro Manila ang nagsuspinde ng kanilang mga klase matapos na dapuan ng Influenza AH1N1 ang kanilang mag-aaral, ayon sa ulat ng Department of Education.
Nabatid na isang mag-aaral ng Lourdes School of Mandaluyong sa Mandaluyong City ang tinamaan ng naturang virus at nagsuspinde na umpisa kahapon ng kanilang mga klase sa loob ng 10 araw. Magbabalik naman ang klase nito sa Hunyo 29 habang nagpapagaling ang mag-aaral na dinapuan ng sakit.
Isa pang paaralan sa Quezon City, ang Dr. Alejandro Roces High School ang nagsuspinde rin ng klase matapos na tamaan ng virus ang isa nilang estudyante na nasa 4th year level.
Ito na ang ika-11 paaralan na dinapuan ng virus matapos na unang tamaan ang De La Salle University sa Taft Ave., Manila, Ateneo de Manila High School, FEU, St. Andrew’s School of Parañaque, Lagro Elementary School, Miriam College, University of the Philippines-Diliman, Our Lady of Perpetual Succor College at Hilera Elem. School sa Jaen, Nueva Ecija.
Samantala, kinumpirma naman ni Department of Education (DepEd) information officer Kenneth Tirade na lumikha na ang kagawaran at ang Department of Health ng mga bagong regulasyon para sa mga pampublikong paaralan para malabanan ang virus matapos ang sunud-sunod na pagputok ng sakit sa iba’t ibang paaralan sa bansa na sanhi ng pagkaalarma ng mga magulang.
Hindi naman binanggit ni Tirade ang nilalaman ng naturang bagong regulasyon dahil sa kinukumpleto pa umano ito ng dalawang kagawaran bago ipalabas sa lalong madaling panahon.
Samantala, muling nadagdagan ng panibagong 33 kumpirmadong kaso ang AH1N1 bunsod para umakyat na sa 344 ang kabuuang bilang ng mga kinapitan ng naturang virus.
Sa pinakahuling ulat ng DOH, bagamat maayos na at napauwi na ang may 149 na kabilang sa kumpirmadong kaso, may 33 na mild cases ang nakumpirma kahapon.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, 24 sa bagong kaso ay lalaki habang 9 ang babae, na nagkakaedad ng 1 taon hanggang 52 at 2 ang dayuhan habang 31 ang Pinoy.
Sa kabila ng patuloy na pagtaas ng kaso, hindi naman umano dapat pangambahan ito dahil wala ni isang naitalang nasawi sa nasabing virus.
Hindi na rin nadagdagan ang bilang ng mga pasyente sa Jaen, Nueva Ecija at itinuturing ng DOH na kontrolado na ang sitwasyon doon.