GUAGUA, Pampanga, Philippines — Tiniyak kahapon ng Malacañang na magiging isang ordinaryong Pilipino si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa pagtatapos ng kanyang termino sa 2010.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Lorelei Fajardo na taliwas ito sa pangamba ng ilang sektor na balak ng Pangulo na palawigin ang panunungkulan nito kaya isinusulong ng mga kaalyado nitong mambabatas ang pagsususog ng Konstitusyon sa pamamagitan ng Constituent Assembly.
Ayon kay Fajardo, wala ring nababanggit ang Pangulo sa anumang plano nito sa pagtatapos ng termino sa 2010 lalo na sa hinala ng oposisyon na kakandidato itong kongresista sa ikalawang distrito ng Pampanga kaya madalas itong magtungo sa kanyang lalawigan.
Sinabi ni Fajardo na, kung may plano man ang Punong Ehekutibo na tumakbong kongresista, hindi na nito kailangang ligawan ang kanyang mga cabalen.
Madalas anya ang Pangulo sa Pampanga upang maghatid lamang ng serbisyo sa taumbayan. (Rudy Andal)