Paglaya ni Vagni nababanaag

MANILA, Philippines - Nababanaag na o malapit nang makalaya ang nalalabing bihag ng mga bandidong Abu Say­yaf Group na si International Committee of the Red Cross member Eu­ge­nio Vagni sa Sulu.

Ito ang kumpiyansang tinuran kahapon ni Armed Forces of the Philippines–Public Information Office Chief Lt. Col. Romeo Braw­ ner Jr. kaugnay ng patuloy na search and rescue operations ng tropa ng Joint Task Force Comet kay Vagni .

Ginawa ni Brawner ang assessment kaugnay ng madugong engku­wentro ng rescue team sa kidnappers ni Vagni na iki­nasawi ng walo sa tro­pa ng pamahalaan, 17 ang nasugatan habang tinataya namang 10 ban­dido ang napaslang sa Indanan at Parang, Sulu noong Biyernes at Sa­bado.

Sa nasabing engku­wento ay mga high value targets ang nalagas sa mga kalaban kabilang ang kapatid ni Commander Albader Parad na si Gadger Parad; Ting at Magtar Jumdail, pawang anak ni Commander Abu Pula gayundin ang isa pa nitong anak na babae na si Armida.

Sinasabing sugatan rin sa naturang bakbakan si Parad at iba pang lider ng mga bandido.

Sinabi ni Brawner na bagaman hindi namataan si Vagni sa encounter site ay papalapit nang papa­lapit ang tropa ng pama­ha­laan na napapaligiran na ang kuta ng mga kidnappers. (Joy Cantos)

Show comments