AH1N1 nasa Bulacan na!
MANILA, Philippines - Pinasok na rin ng influenza A/H1N1 virus ang mga pampublikong paaralan makaraang ilang mag-aaral sa elementarya at high school sa Nueva Ecija at Bulacan ang tamaan nito na nagdudulot ngayon ng ibayong pangamba sa mga magulang.
Sinabi ni Department of Education information officer Kenneth Tirade na 49 na mag-aaral sa Doña Candelaria Duque High School sa Bulacan, Bulacan ang nagpakita ng mga sintomas ng naturang virus. Sampung araw na suspendido ang klase nito mula noong Biyernes.
Kahapon, kinumpirma ng Department of Health na walo sa 49 na mag-aaral ang nagpositibong merong swine flu habang isinasailalim pa sa obserbasyon ang iba pang mga estudyante ng naturang paaralan.
May 11 mag-aaral naman ng Hilera Elementary School sa Jaen, Nueva Ecija ang unang nakumpirma na tinamaan ng naturang virus sanhi upang suspindihin rin ng DepEd ang klase rito.
Sa kabila nito, muling iginiit ni Tirade na wala pang dapat ipangamba ang mga magulang dahil sa paulit-ulit na abiso ng DOH na mahinang uri ng virus ang tumama sa Pilipinas at agad rin namang nakakarekober ang mga tinatamaan nito tulad ng ordinaryong lagnat.
Importante lamang na agad na mamonitor ang mga nagkakasakit upang magamot agad.
Pinaalalahanan rin nito ang mga magulang ng mga bata na importante na turuan ang mga anak ng kalinisan tulad ng araw-araw na paliligo at paghuhugas ng kamay, pagpapalakas sa “immune system” ng katawan sa pamamagitan ng sapat na pagkain, tulog at pag-inom ng bitamina upang hindi tamaan ng naturang karamdaman.
Samantala, umakyat na sa 193 ang kabuuang bilang ng mga nahawahan ng influenza A H1N1 virus sa bansa sa pagtatala ng DOH kung saan nagkaroon ng karagdagang 46 na bagong kaso ng swine flu.
Umabot sa 71 ang nakarekober na at pinayagan nang makauwi.
Kaugnay nito, walo pang residente ng Barangay Hilera ang kabilang sa 19 na indibidwal na nakitaan ng flu-like symptoms at sinuri kung infected ng virus.
Tiniyak naman ng Regional health officials na pawang mild lamang ang walong community cases sa Barangay Hilera.
Balik naman sa normal ang sitwasyon sa De La Salle University sa Manila sa pormal na pagbubukas ng klase kahapon.
Ang DLSU ang kauna-unahang unibersidad sa bansa na nagkaroon ng kumpirmadong kaso ng A H1N1.
Ayon naman kay DLSU President Bro. Armin Luistro, karamihan sa mga nahawahang estudyante ay gumaling at nakapasok na kahapon.
Isinailalim na rin sa state of calamity ang Makati City makaraang makumpirma kahapon na anim katao sa lunsod na ito ang napaulat na nahawahan ng AH1N1.
Sinabi ni Makati Public Information Chief Joey Salgado na kinailangan ang naturang deklarasyon para magamit dito ang emergency calamity fund ng pamahalaang-lunsod.
Tatlo sa mga nahawahan ay residente ng Makati habang ang tatlo pa ay mga estudyante sa Mapua Institute dito.
Nabatid na ang tatlong estudyante ay nahawahan makaraang dumalo sa isang workshop-seminar sa DLSU noong nakaraang linggo.
- Latest
- Trending