Banggaan ng US warship at submarine ng China 'di sa teritoryo ng Pinas - Navy

MANILA, Philippines - Hindi saklaw ng teri­tor­yo ng Pilipinas ang napa­ulat na banggaan umano ng warship na US Destroyer ng Estados Unidos at ng submarine ng China.

Ito ang ginawang pag­li­linaw kahapon ng Philippine Navy matapos na mapaulat na nabangga ng submarine ng China ang US destroyer habang nag­lalayag ito sa karaga­tan kahapon.

Sinabi ni Marine Lt. Col. Edgard Arevalo, Navy spokesman, na wala si­lang natatanggap na report sa nasabing pang­yayari na una nang iniulat sa Cable News Network o CNN.

Nabangga umano ng Chinese submarine ang sonar radar array ng USS John Mccain na isang US warship sa karagatang sakop ng Subic, Zamba­les bun­sod upang mawa­sak ito.

Inihayag ni Arevalo na ayon mismo kay Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Ferdinand Golez, walang dayuhang sasak­yang pandagat lalo na ang mga tulad ng submarine o di kaya’y mga warship ng ibang bansa maging ito man ay ka­alyado, ang ma­aring ma­kapasok sa kara­gatang sakop ng Pilipinas nang walang pahintulot mula sa gobyerno.

Ayon sa opisyal, posi­bleng naganap umano ang banggan ng US Destroyer na John Mcain at ng Chinese submarine daan- daang kilometro ang layo mula sa bayba­yin ng Pili­pinas at ginamit lamang ang Subic Bay sa lalawi­gan ng Zambales bilang reference point sa nasa­bing ulat.

Idinagdag pa ni Are­valo na kung may naga­nap mang banggaan ay nakati­tiyak ang Philippine Navy na hindi ito saklaw ng kara­gatang nasa­sakop ng Pili­pinas dahil milya-milya ang layo ng mga nagla­layag na da­yuhang barko sa teri­toryo ng bansa. (Joy Cantos)

Show comments