MANILA, Philippines – Nagbanta ng malawakan at malakihang transport strike ang militanteng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide dahil sa panibagong pagtaas ng halaga ng gasolina at diesel.
Ayon kay Piston Secretary General George San Mateo, ang gagawing pagkilos ay layuning maipadama sa pamahalaan ang kanilang matinding pagkondena sa pagtaas ng presyo ng gasolina na umaabot sa P1.50 kada litro.
Hindi anila makatwiran ang hakbang na ito lalupat hindi pa nakakabangon ang maliliit na driver sa epekto ng kahirapan dulot ng global crisis
Kaugnay nito, giniit naman ni Efren de Luna, pangulo ng Allianced of Transport Organization na ibalik agad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang dating minimum fare na P7.50 mula sa kasalukuyang P7.00 sa bawat unang apat na kilometro.
Idiniin ni De Luna na pipilitin nilang kumbinsihin ang LTFRB na ibigay ang P.50 sentimos na dagdag sa pamasahe sa lalong madaling panahon.
Kaugnay nito humingi naman ng pang-unawa si De Luna sa publiko lalo na yung mga sumasakay ng jeeps na unawain sila sa mga pangyayari dahil na rin sa wala silang magagawa kundi itaas ang pamasahe. (Angie dela Cruz)