Power rate hike haharangin ni Enrile
MANILA, Philippines – Isinusulong ngayon ni Senate President Juan Ponce Enrile ang dalawang panukalang batas na magpapababa sa singil ng kuryente.
Ang Senate Bills 1347 at 1348 ay naglalayon na harangin ang tangkang pagtataas ng singil ng kuryente kung saan ang una ay para magkaroon ng uniform franchise tax measures na ipapalit sa umiiral na tax system.
Aniya, dapat na mapabilis ang pagpasa ng nasabing batas para matulungan ang mga consumers lalo na ngayong panahon ng krisis sa ekonomiya.
Pinaapura din ng senador ang pagpapatibay ng SB 1348 na nagpapababa ang buwis na binabayaran sa tatlong porsiyento na lamang para sa mga nage-explore, nagde-develop at nagdi-distribute.
Nilinaw pa nito na kung mapapababa ang mga buwis ay maraming kompanya ang sasali sa pagtuklas at pagde-develop ng energy resources na magpaparami ng supply ng kuryente na magiging dahilan para bumaba ang singil sa elektrisidad.
Hindi lang aniya mga ordinaryong Pinoy ang makikinabang sa naturang batas kundi pati mga negosyante.
Sa ngayon ay umiiral ang 12% VAT bukod pa ang corporate tax, franchise tax sa mga nagdidistribute ng kuryente kaya naman sinisingil din ang mga ito sa mga consumers.
Magugunita na inihayag ng National Power Corporation na itataas ng 17 sentimos kada kilowatt hour ang singil ng kuryente sa oras na ito ay aprubahan ng Energy Regulatory Commission. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending