EDSA 3 vs Chacha
MANILA, Philippines - Pinangangambahang sisiklab ang pangatlong people power revolution para harangin ang pagsususog sa Konstitusyon o Charter Change (Cha-Cha) sa pamamagitan ng Constituent Assembly.
Sinabi kahapon ni Senador Rodolfo Biazon na hindi malayong may maganap na EDSA 3 dahil nakikita ngayon ang ilang palatandaan noong bago naganap ang EDSA 1 at 2 people power revolution.
Sinabi pa ng senador na dumarami at lumalakas ang mga sektor na tumu tutol sa Resolution No. 1109 na pinagtibay nitong linggo ng House of Representatives na naglalayong buuin ito bilang Constituent Assembly nang hindi kasali ang Senado para masusugan ang Saling-Batas.
Maliwanag anyang labag sa konsepto ng bicameralism at demokrasya ang ginawa ng mababang kapulungan ng Kongreso.
Pero dapat aniyang bantayan ang mga susunod na kaganapan dahil kung magpapatuloy ang kaguluhan, siguradong igigiit ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines ang kanilang constitutionally mandated duty na proteksiyunan ang mga mamamayan at estado.
Subalit nakakabahala aniya ang posibleng mangyari kung hindi ibabalik ng mga sundalo ang kapangyarihan sa civilian authority.
Samantala, sinabi ni Manila Auxillary Bishop Broderick Pabillo na lalahok din ang simbahang Katoliko sa mga kilos-protesta laban sa Cha-Cha.
Ayon kay Pabillo, makikiisa sila sa kilos protesta ng grupo ni Jesus Is Lord leader Bro. Eddie Villanueva at mga interfaith rally ng iba pang grupo upang ipakita ang mariing pagtutol sa ConAss.
Hindi na rin aniya dapat na daanin pa ang pagtutol sa mga dema-demanda dahil matagal pa aniya ang aabutin nito, lalo na’t pati aniya mga hukom sa bansa ay tila naiimpluwensiyahan na rin.
Kaugnay nito, umalerto na ang National Capital Region Police Office kaugnay ng ipatutupad na security measures sa bantang malawakang kilos protesta laban sa ConAss.
Una rito, nagbanta ang United Opposition na magsasagawa ng indignation rally upang iprotesta ang ConAss sa darating na Hunyo 10 sa Makati City.
Pero tiniyak ni Defense Secretary Gilberto Teo doro Jr. na walang namumuong anumang banta ng destabilisasyon sa hanay AFP.
Ayon kay Teodoro, propesyunal ang mga sundalo at hindi ang mga ito makikisawsaw sa usapin ng pulitika sa bansa.
Sinabi ni Teodoro na solido sa pagsuporta sa lehitimong gobyerno ang AFP at ang usapin ng Cha-Cha ay ipauubaya na lamang ng mga ito sa mga Korte Suprema.
- Latest
- Trending
















