Cellphone bawal kumpiskahin ng guro
MANILA, Philippines – Binalaan ng Department of Education ang mga guro at principal sa pribado at pampublikong paaralan na bawal mangumpiska ng cellphones ng mga estudyante.
Ayon kay DepEd Asst. Secretary Teresita Inciong, kina kailangan na pagsabihan lang ng mga guro ang kanilang mga estudyante na patayin o itago ang cellphones ng mga ito habang nasa klase para makaiwas sa anumang reklamo mula sa mga magulang laban sa kanila.
Sa umiiral na DepEd Order number 83-2003; order number 26-2000 at order number 70-1999, mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng cellular phones sa mga estudyante habang nasa loob ng klase.
Pinakiusapan din ni Inciong ang mga estudyante na maging responsable sa paggamit ng cellphone.
Hinikayat rin ni Inciong ang mga guro na gabayan ang mga estudyante sa tamang paraan sa paggamit ng naturang teknolohiya sa impormasyon upang hindi malaglag ang mga ito sa maling gawain tulad ng pakikipag-text sa mga estranghero na may masasamang intensyon, bagkus ay gamitin ito lalo na sa paghingi ng saklolo. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending