MANILA, Philippines - Pormal na nagsampa kahapon ng kasong sibil sa Pasay City Regional Trial Court (RTC) ang Government Service Insurance System (GSIS) laban sa IBM Corporation, IBM Philippines at IBM business partner Questronix Corp. upang hilingin sa korte na pagbayarin ang naturang mga kompanya ng P100 milyon damages.
Batay sa 19-pahinang reklamo na isinampa ng chief Legal Officer ng GSIS na si Estrelita Elamparo, nilabag umano ng nasabing kompanya ang kontrata sa ahensiya na labis umanong nakasira sa kanilang operasyon dahil sa umano’y depektibong software na inilagay sa GSIS.
Nakasaad din sa reklamo na makailang ulit na nilang ipinarating sa IBM database management software ang pagkakasira ng intermittent crashes sa GSIS na labis na puminsala ng halagang P80M nang mapinsala ang daloy sa pagpu-proseso ng Integrated Loans, Membership, Acquired Assets at Account Management System project ng ahensiya.
Isinisi rin ni Atty. Elamparo sa IBM Philippines ang abalang nagawa nito sa ahensya na nagbunga ng 90 porsiyento pagka-antala ng operasyon nito para sa milyon-milyong transaksiyon ukol sa mga loans at claims ng mga miyembro.
Batay daw kasi sa napagkasunduang kontra, ang IBM’s DB2 ang mananagot sa integridad at seguridad ng database at dahil na rin sa pinsalang nagawa ng IBM Philippines, P100 milyon ang hinahabol na danyos ng GSIS sa naturang kompanya bukod sa P8 milyon para sa exemplary damages at P2 milyon naman para sa attorneys fee. (Rose Tamayo-Tesoro)