MANILA, Philippines - Kinumpirma ni Health Secretary Francisco Duque III na isang international exchange student ng De La Salle University sa Taft Ave., Manila ang nagpositibo sa AH1N1 na nagresulta ng suspension ng klase sa nasabing unibersidad sa loob ng 10 araw mula ngayon.
Ang desisyon ay bunsod na rin ng Response Level 3 ng Guidelines on A(H1N1) kung saan binibigyan ng karapatan ang paaralan o anumang unibersidad na magde sisyon kung dapat o hindi dapat suspindihin ang klase dahil sa influenza virus.
Ayon kay Duque, ang 21-anyos na babaeng estudyante ay dumating sa bansa noong Mayo 12.
Nagsimula ang trimester ng school year noong Mayo 25 subalit nagpakita ng ilang sintomas ang estudyante noong Mayo 29 na binigyan naman ng atensiyon ng mga awtoridad ng naturang unibersidad.
Agad namang nagpatingin ang estudyante noong Mayo 31 kung saan nagpositibo ito sa AH1N1 sa ginawang throat swab ng RITM.
Dahil dito sinabi ni Duque na nagsasagawa na rin sila ng contact tracing upang malaman kung sinu-sino pa ang nakakontak ng nasabing estudyante.
Pinapurihan naman ni Duque ang pamunuan ng DLSU sa boluntaryong pagbibigay ng impormasyon sa DOH upang maagapan ang pagkalat ng sakit.