MANILA, Philippines – Bumaligtad na si dating Police Senior Superintendent Glen Dumlao at nagpahayag na rin siya ng kahandaang magsalita sa nalalaman niya sa pagkakapaslang sa publicist na si Salvador Dacer at sa driver nitong si Emmanuel Corbito noong 2000.
Ito ang kinumpirma kahapon ni Department of Justice Secretary Raul Gonzalez kasunod ng mga ulat na binawi na ni Dumlao ang petisyon nito sa isang korte na kumokontra sa extradition ng dating pulis pabalik sa Pilipinas.
Nilinaw din ng kalihim na walang kinalaman ang pamahalaan sa pagbabago ng isip ni Dumlao.
Idinagdag din niya na deposition paper na lang ang kailangang isumite ni Dumlao kaya malamang na malapit na rin itong makabalik sa bansa.
Samantala, inaasahan na ring darating sa Huwebes ang isa ring dating kasama ni Dumlao sa buwag nang Presidential Anti-Organized Crime Task Force at dawit din sa Dacer-Corbito murder na si dating Senior Superintendent Cesar Mancao.
Ilang tauhan ng National Bureau of Investigation ang kasalukuyang nasa Amerika para sunduin si Mancao. (Gemma Amargo-Garcia, Ludy Bermudo at Ellen Fernando)