MANILA, Philippines - Wala umanong maitapat ang oposisyon kay Department of Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno na nagdeklarang kakandidatong bise presidente sa halalan sa 2010.
Si Puno ang kasalukuyang chairman at kinikilalang founder ng Kabalikat ng Malayang Pilipino na opisyal na partido ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Ayon kay Senate Pro Tempore Jinggoy Estrada, “mabigat” umanong kalaban at kandidato si Puno.
Bagaman nasa administrasyong Arroyo, nanatiling mataas ang respeto ng pamilya Estrada at ng oposisyon sa kakayahan at liderato ni Puno na naging kalihim din sa administrasyong Estrada.
Ayon naman kay Senador Juan Miguel Zubiri, malaking asset sa administrasyon si Puno kahit sino pa sa mga nangungunang kandidato bilang presidente ng Malacanang ang maka-tandem nito.