MANILA, Philippines - May apat pang kaso ng AH1N1 virus sa bansa ang kinumpirma kahapon ni Health Secretary Francisco Duque III na kinabibilangan ng dalawang bata at dalawang matanda.
Ayon kay Duque, ang dalawang bata ay galing sa Hong Kong at United States habang dalawang matanda naman ay nahawa sa kanilang pagtungo sa Taiwan.
Ang apat na bagong kaso ng influenza ay dumagdag sa dalawa pang kaso na kinabibilangan ng isang 10-year-old na bata na galing sa Amerika at Canada at isang 50-anyos na balikbayan mula Chicago. Ang mga ito ay magagaling na.
Kasabay nito, nagpositibo sa nakamamatay na AH1N1 virus ang dalawang bata na nagmula umano sa Pilipinas pagdating ng mga ito sa Japan matapos na kumpirmahin ng municipal officials ng Shizuoka City sa naturang bansa.
Sinasabing dumating sa Chubu international airport ang isang 7-taong gulang na batang lalaki at kapatid nitong babae na 4-taong gulang kasama ang kanilang magulang at isa pang kapatid na babae noong Biyernes. Pagsapit ng Lunes ay nilagnat na ang batang lalaki at Martes naman nang lagnatin ang batang babae. Hindi naman tinukoy ang nationality ng mga ito.
Nang isailalim sa pagsusuri ng mga health experts, nakumpirmang infected na ang mga ito ng AH1N1 virus.
Samantala, aarestuhin ng pulisya ang sinumang tao na nagmula sa ibang bansa na tatangging sumailalim sa AH1N1 influenza test sa mga paliparan o pantalan sa Pilipinas.
Ito ang nabatid kahapon kay Sr. Supt. Francisco Altarejos, Deputy Chief ng PNP Health Services, na nagsabing nakaalerto na ang lahat ng mga pulis na nakatalaga sa mga paliparan at pantalan para tulungan ang Department of Health sa pagpapatupad ng panuntunan na ipinatutupad bilang pag-iingat laban sa naturang virus.
Sino mang indibidwal na nanggaling sa mga bansang pinagmulan ng AH1N1 virus ay agad na isinasailalim sa thermal scanning pagdating nila sa Pilipinas.
Sinabi ni Altarejos na sa sandaling merong pumalag o manlaban sa quarantine procedure, sila mismo ang aaresto at magdadala sa ospital ng naturang mga indibidwal na pinaghihinalaang apektado ng naturang karamdaman na sinasabing galing sa baboy.