Pinoy todas sa sagasa sa Saudi

MANILA, Philippines – Hindi na natuloy ang planong pagbabakasyon ng isang bank teller na Pinoy sa Pilipinas, matapos na ma­bangga ng isang rumaragasang sasakyan na nagresulta sa agaran nitong kamatayan sa Assir Region ng Saudi Arabia.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ng Department of Foreign Affairs (DFA), nakilala ang biktima na si Frederick Romulo Apostol, tubong Pacita Complex sa San Pedro, Laguna at nagtatrabaho bilang bank teller sa Al-Rajhi Bank.

Kaagad na nasawi ang biktima dahil sa tinamong ma­tinding pinsala sa ulo at katawan matapos maka­lad­kad ng mahigit sa 20 metro ang katawan nito ng sa­sakyan na nakabangga sa kanya. 

Naaresto naman umano ang di kinilalang suspek at kasalukuyan nang nakadetine habang isinasagawa ng mga awtoridad ang imbestigasyon sa kaso.

Sinasabing plano sana ni Apostol na magbakasyon sa Pilipinas bago naganap ang aksidente.

Nabatid na si Apostol ang ikalimang biktima na na­matay sa road accident sa Abha National Road sa loob lamang ng anim na buwan. (Mer Layson)


Show comments