MANILA, Philippines – Nairita kahapon si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo nang mabigo siyang makakita ng basurahan makaraang sabayan niya sa tamang paghuhugas ng kamay bilang bahagi ng pag-iingat laban sa A(H1N1) virus ang mga mag-aaral sa Geronimo Santiago Elementary School sa San Miguel, Manila.
Napasimangot ang Pangulo nang matuklasan niyang walang basurahan na puwedeng pagtapunan ng ginamit niyang tissue paper sa pagpunas ng kanyang kamay sa ginanap na “handwashing” demonstration sa mga mag-aaral kahapon.
Ipinakita ni Mrs. Arroyo sa mga mag-aaral ang tamang paghuhugas ng kanilang mga kamay at kumanta pa ito ng “happy birthday” habang nagsasabon ng kanyang kamay kasama ang mga estudyante.
Nang magpunas ng tissue paper sa kanyang kamay ang Pangulo ay naghanap na ito ng trash can na puwedeng pagtapunan ng ginamit niyang tissue paper pero wala siyang nakita sa lugar na kinatatayuan niya.
“Nasaan ang basurahan,” wika pa ni Pangulong Arroyo sa mga health official ng nasabing paaralan.
Tumagal nang ilang minuto bago may magbigay ng cardboard box kay Pangulong Arroyo kung saan ay itinapon naman nito ang ginamit niyang tissue paper.
Ipinaliwanag ng mga school officials na mayroong cardboard box na inilagay sa ilalim ng “faucet” subalit inalis ito para sa “convenience” ng Pangulo kaya isang cardboard box ang ibinigay dito ng maghanap ng basurahan subalit nadismaya ang punong ehekutibo dahil totoong basurahan ang kanyang inaasahan. (Rudy Andal)