Away nina Enrile at Pimentel grumabe

MANILA, Philippines – Mas lalong lumala kahapon ang away nina Senate President Juan Ponce Enrile at Senate Minority Leader Aquilino Pimentel matapos mag­ba­tuhan ng akusasyon sa loob mismo ng plenaryo ng Senado.

Naunang nag-privilege speech si Enrile kung saan tahasan nitong tinawag na ipokrito, du­wag, at isang traidor si Pimentel.

“Ipokrito ka (Pimen­tel)! Nagkukunwari ka na ka­ibigan mo ako. Ngunit pag­wala ka na sa harap ko, sinasaksak mo ako. Alam ko na hindi ganyan ang mga taga-Cagayan de Oro na mga kaba­bayan mo. Ikaw, iba ka. Hindi ka lalaking maki­pag-usap. May pagka-traidor ka,” sabi ng galit na si Enrile.

Nag-ugat ang away ng dalawang senador nang banatan kamakailan ni Enrile ang pagpa­pasaklolo ng grupo ni Pimentel sa Supreme Court para ipa­tigil ang imbestigasyon ng Committee of the Whole ng Senado sa double insertion sa budget ng C-5 road na kinasasangkutan ni Senador Manuel Villar.

Naniniwala si Enrile na ang totoong layunin ng grupo ni Pimentel na nag­sisilbing tagapag-tanggol ni Villar ay tuluyang ma­hinto ang imbestigasyon sa kontrobersiyal na C5 project.

Mariin ding pinabula­anan ni Enrile na hinamon niya ng barilan si Pi­mentel na hindi umano niya pag-aaksayahan ng kahit isang bala.

Hindi rin nagustuhan ni Enrile ang paulit-ulit uma­nong pagbabanggit ni Pimentel ng panahon ng martial law sa bansa na ang Defense Minister ay ang una.

Ayon sa Senate Pre­ sident, walang kina­laman ang Martial Law sa nang­yayaring proceedings ng Committee of the Whole.

Nag-rebuttal naman si Pimentel at sinabi nito na nagtataka ito kung bakit sinabi ni Enrile na hindi siya nito pag-aaksayan ng oras pero nag-privilege speech nang halos isang oras para laitin lamang siya. (Malou Escudero)


Show comments