Away nina Enrile at Pimentel grumabe
MANILA, Philippines – Mas lalong lumala kahapon ang away nina Senate President Juan Ponce Enrile at Senate Minority Leader Aquilino Pimentel matapos magbatuhan ng akusasyon sa loob mismo ng plenaryo ng Senado.
Naunang nag-privilege speech si Enrile kung saan tahasan nitong tinawag na ipokrito, duwag, at isang traidor si Pimentel.
“Ipokrito ka (Pimentel)! Nagkukunwari ka na kaibigan mo ako. Ngunit pagwala ka na sa harap ko, sinasaksak mo ako. Alam ko na hindi ganyan ang mga taga-Cagayan de Oro na mga kababayan mo. Ikaw, iba ka. Hindi ka lalaking makipag-usap. May pagka-traidor ka,” sabi ng galit na si Enrile.
Nag-ugat ang away ng dalawang senador nang banatan kamakailan ni Enrile ang pagpapasaklolo ng grupo ni Pimentel sa Supreme Court para ipatigil ang imbestigasyon ng Committee of the Whole ng Senado sa double insertion sa budget ng C-5 road na kinasasangkutan ni Senador Manuel Villar.
Naniniwala si Enrile na ang totoong layunin ng grupo ni Pimentel na nagsisilbing tagapag-tanggol ni Villar ay tuluyang mahinto ang imbestigasyon sa kontrobersiyal na C5 project.
Mariin ding pinabulaanan ni Enrile na hinamon niya ng barilan si Pimentel na hindi umano niya pag-aaksayahan ng kahit isang bala.
Hindi rin nagustuhan ni Enrile ang paulit-ulit umanong pagbabanggit ni Pimentel ng panahon ng martial law sa bansa na ang Defense Minister ay ang una.
Ayon sa Senate Pre sident, walang kinalaman ang Martial Law sa nangyayaring proceedings ng Committee of the Whole.
Nag-rebuttal naman si Pimentel at sinabi nito na nagtataka ito kung bakit sinabi ni Enrile na hindi siya nito pag-aaksayan ng oras pero nag-privilege speech nang halos isang oras para laitin lamang siya. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending