MANILA, Philippines - Isang mataas na opisyal ng bandidong Abu Sayyaf at apat nitong miyembro ang inaresto at idineport mula sa Malaysia pabalik dito sa Pilipinas kahapon ng hapon.
Pawang nakaposas ang mga bandidong sina Mohammad Hatta Haipe, Borhan Mundos, Gulam Mundos, Suffian Salih at Hasim Talib habang iniiskortan ng limang Malaysian police sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 sakay ng Malaysian Air flight MH-704 dakong alas-2:10 ng hapon.
Si Haipe ay kabilang umano sa mga naging kasamahan ng nasawing naunang lider ng Abu Sayyaf na si Khadaffi Janjalani habang si Borhan Mundos ang tumatayong finance officer ng grupo. Sina Salih alias Salip Ikak ang pasimuno upang makapuslit ang kanilang grupo palabas ng Pilipinas at Hasim Talib alias Jurim Abdul na inaresto sa Malaysia noong Setyembre 2003 ay pawang isinasangkot sa Sipaddan kidnapping.
Ang pagkaka-aresto sa lima ay base sa kahilingan ng United States hinggil sa nakabinbing kasong kidnapping at warrant of arrests sa mga kasong kriminal na nakasampa rin sa Pilipinas laban sa kanila.
Isinangkot sila sa pagkidnap sa ilang dayuhan sa Sipadan noong taong 2000.
Sa kasalukuyan ay nasa pangangalaga sila ng Philippine National Police.