MANILA, Philippines – Inakusahan ni Justice Secretary Raul Gonzalez ang grupong GABRIELA na ginagamit lamang ang isang babaeng sumisigaw na biktima siya ng rape ng sundalong Kano subalit ayaw namang maghain ng pormal na reklamo sa takot na magaya sa sinapit ni Suzette Nicolas o Nicole.
Naniniwala ang kalihim na ginagamit lamang ang babaeng itinago sa pangalang “Vanessa” upang makalikha ng panibagong isyu at gulo para makapag-ingay laban sa pamahalaan tulad ng panggagamit umano kay Nicole.
Nilinaw ni Gonzalez na dumaan sa mahabang proseso ang kaso ni Nicole na sa bandang huli ay napatunayang hindi totoo ang panggagahasa sa kanya. Mismong ang biktima rin aniya ang umamin at naghain pa ng recantation sa Court of Appeals na nagsasaad na hindi siya ginahasa ni US Marine Lance Corporal Daniel Smith
Hinamon ng kalihim ang biktima na kung talagang siya ay hinalay ay matapang niyang harapin ang suspek at kasuhan sa korte upang maisailalilm sa paglilitis ng husgado at papanagutin ang may sala.
Nabatid na lumutang sa media ang nasabing biktima na hindi niya na planong magsampa ng demanda dahil takot na matulad kay Nicole ang kanyang kaso. Siya umano ay pinuwersang halayin ng isang sundalong Kano sa tinutuluyang hotel ng huli sa Makati City, kamakailan. (Ludy Bermudo)