Krimen tataas sa pagdami ng tambay
MANILA, Philippines - Kaalyado na mismo ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang nagbabala kahapon na siguradong dadami lalo ang mga kriminal na kakambal sa pagdami ng tambay matapos maitala ang pinakamataas na unemployment rate sa Pilipinas.
Sinabi ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., chairman ng Senate committee on public services, na siguradong marami ang mapipilitang gumawa ng krimen dahil sa kawalan ng trabaho.
Malinaw aniyang walang mahanap na trabaho at pagkakitaan ang publiko kundi gumawa ng krimen.
“Ang isang walang trabahong padre de pamilya, ina o kahit ang may- edad nang anak nito ay maaaring desperadong magnakaw para matugunan ang kanilang pangunahing pangangailangan, partikular na para maibsan ang kalam ng kanilang sikmura,”sabi ni Revilla.
Lumabas sa pinakahuling survey ng Social Weather Station na 14 na milyong Pilipino na ngayon ang tambay o walang trabaho. Mataas ito kumpara sa 27.9 porsiyentong na katumbas ng 11 milyong tambay sa first quarter.
“Ilan sa ating mga unemployed ay maaaring humantong sa paggawa ng iba pang illegal na aktibidades gaya ng ilegal na sugal, ilegal na droga at maging prostitusyon. Kumbaga, kapit na sa patalim,” sabi ni Revilla.
Kinalampag ni Revilla ang gobyerno na madaliin ang paglikha ng trabaho o job creation programs para masawata ang paglobo ng kriminalidad at mabawasan ang dumaraming tambay. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending