Bureau of Immigration pumalag sa inabusong mga dayuhang investors

MANILA, Philippines - Nanawagan ang Bureau of Immigration sa mga Pilipino na huwag pagsamantalahan ang mga dayuhang nais mamuhunan sa bansa tulad ng ginawa ng isang mag-ina na tumangay ng humigit P18 milyon mula sa isang Indian national.

Ipinagharap ng kasong estafa ni Jose Augusto Gerson De Belchior Fernandes ng Sharjah, United Arab Emirates, ang mag-inang sina Florian at Reyanne Dulay Ramos sa Manila Prosecutors Office dahil sa panloloko ng huli sa una.

Inireklamo ni Fernandes na hinikayat siya ng mag-inang Ramos na magnegosyo sa Pilipinas sa pa­mamagitan ng pagtatayo dormitoryo, internet café at import/export office at pinangakuang mabilis na kikita ang mga ganitong uri ng negosyo sa bansa kaya agad na nagpadala ng pera dito.

Ngunit matapos na maipadala ang mga kina­kailangan pera para maitayo ang dormitoryo at iba pang negosyo ay nadiskubre ni Fernandes na kinamkam na ng suspek ang naturang negosyo at hindi kailanman nagpadala sa kanya ng pera para maibalik ang kanyang investment. (Gemma Amargo-Garcia)

Show comments