MANILA, Philippines – Iginiit kahapon ni Senator Rodolfo Biazon ang pagpapatigil ng mga pagpapalabas ng mga information commercial ng ilang mga Cabinet officials na may ambisyong kumandidato sa halalan sa 2010.
Partikular na pinatamaan ng panawagan ni Biazon sina Defense Sec. Gilbert Teodoro, Finance Secretary Margarito Teves, PAGCOR Chairman Afrain Genuino at TESDA Chairman Augusto “Buboy” Syjuco.
Sinabi ni Biazon na nararapat lamang na itigil ang mga commercials na ito dahil maliwanag na ito’y maagang pangangampanya para sa nalalapit na halalan.
Naniniwala si Biazon na nagagamit ng mga nasabing opisyal ang pondo ng gobyerno sa kanilang ambisyon na tumakbo sa 2010.
Iginiit ni Biazon na layunin talaga ng mga nasabing opisyal na mai-anunsyo ang kanilang mga programa sa kanilang mga departamento at mas makilala ng publiko.
Ayon kay Biazon, dapat gumamit na lamang ng commercial models o artista ang mga departamentong nais magpalabas ng mga infomercial.
Nakatakdang maghain anumang araw si Biazon ng panukala na magbabawal sa mga pre-mature campaigning ng mga pulitiko. (Malou Escudero)