MANILA, Philippines – Dinismis kahapon ng Quezon City Prosecutor’s Office ang reklamong iniharap ng isang dating receptionist laban kay People’s Champ Manny Pacquiao na nakarelasyon umano ng babae.
Sinabi ni Assistant City Prosecutor Maria Gracia Cadis Casaclang na hindi sapat na ebidensya ang litratong nagpapakita kay Pacquiao na kasama ang nagreklamong si Joanna Bacusa at ang isang anak umano rito ng boksingero.
Sinabi pa sa resolusyong nilagdaan ni Casaclang noong Mayo 2 na hindi maaaring gamiting ebidensiya ang nasabing litrato para masabing nagkaanak si Pacquiao sa ibang babae.
Ikinatuwiran ng prosecution na kahit na sinong babae at anak nito ay maaaring magpakuha ng litrato kasama si Pacquiao ngunit hindi ito magpapatibay na asawa at anak ng huli maliban sa misis nitong si Jinkee at apat na anak.
Maging ang pagbibigay ni Pacquiao ng umano’y tulong pinansiyal sa mag-inang Bacusa ay hindi din magpapatibay na anak ni Pacman ang bata.
Batay sa record, isinampa ni Bacusa ang reklamong paglabag sa Anti-Violence Against Women and their Children laban kay Pacquiao nang putulin umano nito ang sustento sa bata.
Si Bacusa, dating receptionist sa City Square KTV Bar sa Malate, Maynila ay nagkaron umano ng relasyon kay Pacman noong April 18, 2003 hanggang sa nagkaroon ng anak ang huli sa una. (Perseus Echeminada)