24 patay kay Emong
MANILA, Philippines - Umaabot sa 24 katao ang namatay sa paghagupit ng bagyong Emong sa Northern Luzon.
Ayon sa National Disaster Coordinating Council (NDCC), kabilang sa mga nasawi ay 13 sa Ifugao, 8 sa Pangasinan, isa sa Bataan, isa sa La Union, isa sa Zambales at isa sa Olongapo.
Nasa 20 katao naman ang nawawala kabilang ang 16 sa Pangasinan at apat pa sa Ifugao habang 10 naman ang naitalang sugatan kabilang ang dalawa sa Pangasinan at walo pa sa Ifugao.
Ang Pangasinan ang pinakamatinding tinamaan ng kalamidad partikular na ang mga bayan ng Anda, Bolinao, Agno, Burgos at Bani.
Ayon kay NDCC Chairman at Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr., pinulong na niya ang mga lokal na tanggapan ng Provincial Disaster Coordinating Council (PDCC) at maging ang mga lokal na opisyal sa pangunguna ni Pangasinan Gov. Amado Espino kaugnay ng rehabilitasyon sa pinsalang nilikha ng bagyo sa imprastraktura at agrikultura habang patuloy ang pamamahagi ng relief goods sa mga naapektuhan ng kalamidad.
Sa Ifugao, kabilang ang bagong panganak na ginang sa 13 nalibing ng buhay matapos matabunan ang kanilang tahanan dahil sa landslide.
Kinilala ang mga biktima na sina Samuel Daang, 23; Aira Daang, 15; Marife Daang, 13; Vencie May Daang, 10; pawang magkakapatid na residente ng Sitio Dumanayan, Poblacion, Kiangan; Olivia Guway, 42; Mercy Guway, 10; Isko Guway, 9 at ang bagong panganak na si Rosita Tinol at 6-araw na si baby Boy Tinol sa sitio, Linda, Poblacion, Kiangan, Ifugao.
Kabilang din sa mga natabunan ng gumuhong lupa ang mag-asawang Merry Bulahao, 76 at Mariano Bulahao, 76 na kapwa residente naman ng Lagawe, Ifugao.
Pinaghahanap naman ang dalawang katao sa bayan naman ng Hingyon, Ifugao na pinaniniwalaang nalibing din ng buhay matapos matabunan ang kanilang tahanan.
Nasawi naman si Jeremy Ambalisa ng Brgy. Poblacion, Sta. Cruz, Zambales na inatake sa puso sa kasagsagan ng pagbayo ni Emong.
Ang biktimang si Benedicto Fortes ng Tubao, La Union ay tinamaan ng lumipad na yero sa kasagsagan ng malakas na ihip ng hangin at pagbuhos ng ulan.
Tinangay naman ng malakas na hangin ang 84 anyos na si Veronica Viray, na nagtamo ng malaking sugat sa ulo na siyang kumitil sa buhay nito.
Naitala naman sa 267 pamilya o kabuuang 1,085 katao ang naapektuhan ng kalamidad na kinabibilangan ng 27 pamilya o 212 katao sa Region 1 at 240 namang pamilya o 873 katao sa Region III.
Bunga ng insidente ay nawalan ng supply ng kuryente sa Dagupan City, Calasiao, Sta. Barbara, San Fabian, San Carlos City, Binmaley, Mapandan; pawang sa Pangasinan kung saan unti-unting naibalik ang serbisyo nito kahapon ng umaga.
- Latest
- Trending