MANILA, Philippines – Dapat humingi ng paumanhin sa sambayanang Pilipino si Manila Metropolitan Trial Court Judge Emmanuel Loredo dahil sa pagpayo niya kay Philippine National Railways Chairman at dating Presidential Chief of Staff Mike Defensor na makipag-areglo kay Jun Lozada na naging kontrobersyal sa pagtestigo sa anomalya sa isang kontrata ng pamahalaan at ng ZTE Corp. ng China.
Ito ang panawagan kahapon ng mga duktor sa batas at mga propesor ng University of the Philippines at Ateneo de Manila University na sina Arturo de Castro at Atty. Jesus Santos na tagapangulo rin ng National Association of Lawyers for Justice and Peace.
Pinuna nina de Castro at Santos na hinusgahan na umano ni Loredo ang kasong perjury na isinampa ni Defensor laban kay Lozada bago pa man ito dinggin.
Sinabi ni Santos na hindi nararapat kay Loredo na humahawak sa naturang kaso na magbigay ng ganong payo kay Defensor.
Ayon kay De Castro, bilang isang hukom ay dapat na manatiling walang pinapanigan si Loredo at hindi maimpluwensiyahan ng anuman o ninuman.
Hindi anila makatarungang impluwensiyahan ng hukom si Defensor sa dapat nitong gawin.
Idinagdag pa nila na, kung nais ni Loredo na maging abogado ni Lozada, dapat itong magbitiw bilang huwes.
Idiniin ni Santos na ang reputasyon ni Defensor ang nasira sa kaso dahil sa magka ibang pahayag ni Lozada hinggil sa papel nito umano sa sinasabi niyang pagdukot sa kaniya. (Butch Quejada)