Pacman tuloy ang uwi ngayon
MANILA, Philippines – Tuloy ang pag-uwi ngayon sa bansa ni People’s Champ Manny Pacquiao kahit pinayuhan siya ng Department of Health at ng World Health Organization na iantala ang pagbalik niya sa Pilipinas para matignan kung hindi siya nahawahan ng A(H1N1) influenza sa United States.
Sinabi ni Pacquiao sa isang panayam kahapon sa dzBB na takda na siyang umalis nitong Miyerkules ng umaga mula sa Los Angeles, California, U.S. (Hu webes dito sa Manila).
Darating siya rito sa Pilipinas ngayong umaga.
Naunang nanawagan ang DOH sa grupo ni Pacquiao na magpa-self-quarantine muna sa Los Angeles sa loob ng pitong araw para matiyak na wala silang sintomas ng A(H1N1) na pumatay na ng 29 na tao sa Mexico, dalawa sa U.S. at humawa sa libo-libong mamamayan sa North America, Europe at iba pang mga bansa.
“Papunta na nga kami ngayon sa paliparan,” sabi pa ni Pacquiao sa pagpapahiwatig na tuloy ang kanyang pagbalik sa Pilipinas kasunod ng matagumpay na laban niya kay Ricky Hatton ng Britain sa Las Vegas noong Sabado.
“Kung wala ka namang sipon, lagnat, bakit ka ika-quarantine,” sabi pa ni Pacquiao.
Dahil dito, inirekomenda na lang ni DOH Secretary Francisco Duque na sumailalim sa self-quarantine ang grupo ni Pacquiao pagdating nila rito sa Pilipinas.
“Kung itutuloy ni Manny ang biyahe wala tayong magagawa doon, basta na sabihan na natin sila. Pero mag-self-imposed quarantine sila, yan ang ating pakiusap,” sabi ni Duque.
Iginiit ni Duque na ang kanilang abiso ay batay lamang sa advisory naman ng WHO na nagsabing mayroong outbreak ng influenza sa Los Angeles.
Iginiit naman kahapon ni DENR Sec. Lito Atienza na magiging limitado ang aktibidad ni Pacquiao sa pagdating nito sa bansa sa araw na ito.
Sinabi ni Atienza na magkakaroon na lamang ng kaunting reception sa airport at pulong-balitaan si Pacquiao dahil na rin sa payo ng DOH na dapat iwasan muna ng boksingero na makipagkamay o dapat ay may distansiya siyang isang metro sa ibang tao habang hindi pa nasisiguro na Swine flu-free ang Team Pacquiao.
Wika pa ni Atienza, kailangang i-adjust nila ang motorcade at iba pang iskedyul ni Pacquiao dahil na rin sa rekomendasyon ng WHO at DOH.
Samantala, ipinagpaliban na rin ng Malacanang ang nakatakdang “national day of celebration” gayundin ang luncheon na dapat ay ihahandog kay Pacquiao sa Malacañang sa araw na ito.
- Latest
- Trending