Maulang panahon dala ni Emong
MANILA, Philippines - Maulang panahon ang dala ng bagyong Emong sa Metro Manila ngayong Biyernes.
Ayon kay Nathaniel Cruz, weather forecasting head ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), ang bagyong Emong ay kumukuha ng lakas habang ito ay papasok sa Philippine territory sa may Southern Luzon area.
Sinabi ni Administrator Prisco Nilo ng PagAsa, si Emong ay inaasahang tatawid ng Northern o Central Luzon at magla-landfall sa Pangasinan.
Ngayong Huwebes, si Emong ay inaasahang papasok ng bansa at nagbabanta sa northern at central Luzon.
Namataan ito kahapon sa layong 550 kilometro ng kanluran timog kanluran ng Maynila taglay ang pinaka malakas na hanging 85 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso hanggang 105 kilometro bawat oras.
Bukod sa Metro Manila, maulan din ang panahon sa Zambales at Cavite.
Pinaghahanda naman ng PagAsa ang publiko dahil si Emong ay malamang na maging super bagyo pagpasok ng bansa.
Gayunman, sinabi ni Cruz na hindi naman direktang maaapektuhan ni Emong ang Metro Manila kundi magdadala lamang ito ng maulang panahon.
Ang Visayas at Mindanao naman ay makakaranas ng katamtamang pag-uulan dulot ni Emong. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending