MANILA, Philippines - Dapat na umanong tigilan ni NBN-ZTE star witness Rodolfo “Jun” Lozada ang pagsisi sa gobyerno sa kanyang pagkakakulong dahil siya mismo ang nagdala sa kanyang sarili sa kulungan.
Ayon kay Balikatan People’s Alliance chair Louie Balbago, malinaw ang records na kusang loob na binigay ni Lozada ang magkaibang pahayag at hindi diniktahan ng gobyerno kaya’t hindi nito dapat sisihin ang pamahalaan.
Pinuna ni Balbago na ang nagreklamo ng perjury laban kay Lozada ay isang tao lamang sa katauhan ni PNR Chairman Mike Defensor.
“Kinasuhan si Mr. Lozada ayon sa sinasaad ng batas. At siya mismo ang ayaw magpiyansa para sa kaniyang pansamantalang paglaya. Kaya paano naging kasalanan pa ng gobyerno kung bakit nakakulong siya,” wika ni Balbago.
Huwag anyang kalimutan ni Lozada na wala itong naipakita kahit isang ebidensiya upang patunayan ang kaniyang mga sinabi hinggil sa ZTE deal.
Idinagdag pa ni Balbago na wala ring batas na nagsasabing hindi puwedeng arestuhin si Lozada dahil sa kaniyang mga alegasyon hinggil sa ZTE deal. (Butch Quejada)